Nais ko ring ibahagi ang aking opinyon tungkol sa Batas Militar. Ginawa ko ang post na yun noong Mayo. Narito ang link.
![]() |
Photo from https://hronlineph.com |
Sa tingin ko, tama lang na simulan ko ang aking kwento mula nung high school pa lang ako (huwag kayong mag-alala, hindi ito nobela, novelette lang, char!). Medyo kontrobersyal na kahit noon pa ang Martial Law, pero hindi ko lubusang naintindihan ang bigat ng nangyari noon. Naalala kong tinanong ko ang nanay ko kung anong meron nung Martial Law, ang sabi niya payapa raw noon, kung wala kang ginagawang masama ligtas ka, disiplinado raw ang mga tao, maraming napatayong gusali at tulay si Marcos, magaling daw na pangulo si Marcos, etc., etc. Kaya ako, bilib ako kay Marcos, akala ko mabuti ang Martial Law. Napakamahigpit ko noon sa klase, kaya binansagan ko ang aking sarili na "Martial Queen" (pak ganern!)
Fast forward tayo sa aking mga taon sa kolehiyo. Sa aking pag-aaral ng Mass Comm, lalo na sa kasaysayan ng pamamahayag, napagtanto ko na hindi pala mabuti ang Martial Law. Muli kaming nag-usap ng aking ina, at sinabi niya na mabuti ang Martial Law sa unang bahagi. Marahil sabay kaming namulat sa kasaysayan. Ngunit hindi pa rin ako naging aktibo sa pagtuligsa sa mga Marcos.
Ngayon na muli akong nag-aaral, lalo na at sa Unibersidad ng Pilipinas ako nag-aaral, tuluyan nang namulat ang aking mga mata. Ngunit hindi pa rin ako nagpapahayag ng aking opinyon. Palagi na lang sa talakayan naming mag-ina ako nagsasalita, ngunit tahimik sa diskusyon sa online media; maski-like o emoji, wala. Kahit nung mailibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sa opisina lang ako nagpapahayag ng galit, ngunit walang eksplanasyon.
Kahapon ng madaling araw, nang magpost si Sir, tila sinapak ako. Bakit nga ba ako nananahimik? Bakit nga ba puro pagpapacute ang ginagawa ko sa lahat ng aking social media accounts? Bakit nga ba hindi ako agad tumakbo papuntang EDSA? Kaya nagdesisyon akong magpost ng life event sa Facebook.
At simula kahapon, dahil nga nanahimik ako at hindi sumama sa rally nung Biyernes, naisip ko na ipahayag ang aking pagtuligsa sa paraang kaya ko: nag-share ako ng impormasyon ukol sa kaganapan ng Martial Law para malaman ng lahat ang kabulastugang nangyari noon, nag-comment ako sa mga walang isip na posts para malaman nila na hindi rason na hindi ko (natin) naranasan ang Martial Law para manuligsa, nag-abang at nag-aabang ako ng anunsyo kung kailan ang susunod na rally (at sasali ako), at nakipagdiskusyon ako sa mangilan-ngilang tao na sinabi nilang "past is past," "move on," "waste of time," "patay na si Marcos at kahit anong gawin niyo ay hindi na nila masisingil si Marcos," "hindi natin alam ang nangyari noon... walang say ang generation natin," at iba pa.
Nagagalit at nalulungkot ako para sa ating bansa, nilapastangan na nga tayo ng dayuhan, nilapastangan pa tayo ng ating kapwa, at muli tayong nilalapastangan sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasaysayan. Tila hindi nila naisip ang maaaring nangyari kung hindi ipinaglaban ang kalayaan.
Minsan naiisip kong gusto kong umalis ng bansa (ng mundo) para lisanin ang mga nangyayari ngayon. Ngunit naisip ko, kung aalis ako, kung aalis ang mga ayaw nang harapin ang nangyayari ngayon, sino na lang ang makikipaglaban?
![]() |
Photo from https://www.crowdynews.com |