Wednesday, May 11, 2016

Batas Militar

Photo credits to newsinfo.inquirer.net
Noong nakaraang Lunes, ika-9 ng Mayo 2016, naganap ang pambansang halalan. Malinaw na, na si Rodrigo Duterte ang magiging ika-16 na pangulo ng Pilipinas, ngunit isang madikit na laban pa ang mayroon sa pagitan ni Leni Robredo at Bongbong Marcos para sa pangalawang pangulo. At dahil isang Marcos ang maaaring maging pangalawang pangulo ng Pilipinas, isang malaking usapan, lalo na sa social media, ang Martial Law o Batas Militar. Kasing linaw ng pamgat ng blog post na ito, ang Batas Militar at ang aking opiniyon ukol dito, ang aking isusulat.

Bago ang lahat, nais ko munang sabihin na sa pagka-bise presidente, si Leni Robredo ang aking sinusuportahan. Ngunit kaakibat nito ay ang aking pagsusumikap na sa blog na ito ay pananatiliin kong obhektibo ang aking mga opinyon - ako ay hindi lalayo sa mga katotohanang nangyari sa panahon ng Batas Militar.

Isa pang paalala ay ang lahat ng laman ng blog post na ito ay pawang opinyon at aking mga nalalaman ukol sa Batas Militar. Ang aking pagpopost ay isang manipestasyon ng demokrasyang aking ine-enjoy at minamahal, na hindi ako papayag na mawala pang muli (kagaya ng sabi sa kanta na isinulat ni Jim Paredes).

Una sa lahat, hindi ako "Martial Law baby", hindi pa ako nabubuo kahit sa isip pa lamang ng aking mga magulang sa panahon ng Batas Militar (ipinanganak ako sa panahon ng pamumuno ni Fidel Ramos). Ngunit sa aking paglaki, nagkaroon ako ng kaunting kamalayan tungkol sa Batas Militar. Naaalala ko na minsan napag-usapan namin ng aking ina kung ano bang mayroon sa panahon ng Batas Militar. Ang sabi niya, payapa raw ang mga kalye noon, walang krimen, may disiplina ang mga tao, may curfew, etc. Kaya akala ko, maganda ang Martial Law. Sa maliit na paraan, inidolo ko si Ferdinand Marcos dahil sa disiplinang kanyang ipinairal. Nagkaroon nga ng panahon na tinawag ko ang sarili ko na "Martial Queen" dahil sa mahigpit na disiplinang ginagawa ko lalo na sa mga kaklase ko (naging class officer kasi ako). Umabot pa sa panahon na talagang nananakot ako at nananakit para lang magbayad sila ng multa.

***
Segue: Ngayong mas lumawak ang aking pag-unawa sa mga bagay-bagay, napagtanto ko na mali pala ang ginawa ko. Sa kasamaang palad, hindi ako nagkaroon ng oportunidad para humingi ng patawad sa mga kaklase ko. Tipong hinayaan na lang nila ang mga ginawa ko. Ngunit ngayong nabanggit ko naman na ang maling ginawa ko, nais ko na ring humingi ng tawad sa kanila. SSC Batch 3, sorry sa ginawa ko. Na-realize ko na nagpower trip lang ako. Siguro yun na rin ang reason bakit hindi ako naging close sa inyo. Oo nga, matagal nang issue 'to, pero gusto kong malaman niyo na nagsisisi ako sa ginawa ko. Narealize ko rin na kung sa aking ginawa yun, baka hindi ko na kausapin yung tao, yet still, you welcome me (di ba? :D) Love you, guys!
***

Nung lumaon, napagtanto ko na tulad ng ginawa ko sa mga kamag-aral ko noon, ang disiplina na ipinairal ni Ferdinand Marcos ay hindi rin makatarungan. May mga inosenteng taong bigla na lang nawawala at makikita na lamang na bangkay, o kung suswertehin (hindi ko alam kung swerte ba ang maitatawag sa kanila) buhay man sila ngunit na-torture. Ang torture na sinasabi ko ay yung pagtanggal ng mga kuko, pagkuryente sa mga ari ng mga biktima, pagpapaupo sa kanila sa yelo nang hubo't hubad, pambubugbog, at iba pa.

Ang masama pa dito ay ang mga inosenteng biktima ng Martial Law ay napagkamalang miyembro ng media na tumuligsa sa gobyerno ni Ferdinand Marcos. Mali ba na gawin ng mga peryodista ang kanilang trabaho na bantayan ang ginawa ng gobyerno? Mali ba na isiwalat nila sa publiko ang mga kasamaan, pagmamalabis, at pandarambong na ginawa ng gobyerno at pamilya ng nakaluklok na pangulo? Mali ba gusto lang ng media na hindi mabulag ang mga mamamayan sa kapayapaang nadarama nila? Hindi ba't ang mali ay ang pagkitil ng gobyerno sa karapatang magpahayag? Hindi ba't ang mali ay ang paglabag ng gobyerno sa karapatang pantao?

Maaaring sabihin na hindi naman si Ferdinand Marcos ang gumawa ng pagpatay, pagtorture, at kung anu-ano pa. Ngunit hindi mo maitatakwil na nagnakaw ang kanyang pamilya sa kaban ng bayan. Maaaring sabihin na maski ngayong wala na si Ferdinand Marcos sa pwesto ay ginaagawa pa rin ang pandarambong ng ibang nasa gobyerno. Ngunit ang kawalan ng hustisya sa laki ng kanilang pagnanakaw at ang pagkakait nila na hindi sila nagnakaw, bagaman anglaki ng kanilang mga luho ay isang sampal sa mga Pilipino.

Hindi ko na isusulat ang tungkol sa pagkamatay ni Ninoy Aquino, dahil isa na itong palasak na issue. Kung sino man ang nagpapatay kay Ninoy Aquino ay isa pa ring misteryo. At malapit doon ang nais kong sabihin: ang kawalan ng kaalaman ng kabataan (kasama na ako doon) ukol sa totoong nangyari sa panahon ng Batas Militar ay hindi nila (o namin) kasalanan. Unang una, si Cory Aquino at ang anak niyang si Noynoy Aquino ay naging pangulo ng Pilipinas, Ngunit sa labing dalawang taong sila ang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas, hindi nasiwalat kung sino nga ba ang talagang nagpapapay kay Ninoy Aquino. Puro ispekulasyon lamang ang meron. Isang dahilan kung bakit maraming galit sa pamilya Marcos ay dahil si Ferdinand Marcos (at/o si Imelda Marcos) umano ang utak sa pagpapapatay kay Ninoy. Ngunit sila nga ba? Oo, hindi ako sumasang-ayon sa pagpapatupad ng Martial Law, at oo, hindi ko sinusuportahan ang pamilya Marcos. Ngunit mali na sisihin sila sa pagkamatay ni Ninoy Aquino lalo na't walang matibay na ebidensya. At ang hindi makamit na hustisya sa kanyang pagkamatay ay siyang isa dapat sa mga agenda nina Cory at Noynoy Aquino nang sila ang mahalal bilang pangulo ng Pilipinas.

Pangalawang punto, ang sektor ng edukasyon ay isa rin sa may pagkukulang sa kawalan ng kaalaman ng mga kabataan ukol sa Batas Militar (at kaakibat ng sektor ng edukasyon ang gobyerno). Sa loob ng silid aralan, lalo na sa asignaturang Kasaysayan (Sibika, Hekasi, etc.), ang emphasis sa pagtuturo ay ang mga unang Pilipino, ang unang komunidad - ang balangay na pinamumunuan ng datu, at ang pagdating nga mga Kastila, Amerikano, at Hapon. Sa dulo ng taon, saka pa lang itinuturo ang mga pangulo ng Pilipinas at ang mga nangyari sa kanilang administrasyon. Kadalasan, sa mga panahong ito ay tamad nang makinig ang mga mag-aaral sa kanilang mga guro dahil ang nasa isip na lamang nila ay ang simula ng bakasyon; kung kaya't hindi na lubusang napag-aaralan ang mga nagawa ng mga pangulo, mas lalo na ang Batas Militar.

Sa aking muling pag-aaral, tatlong sessions ng tig-tatatlong oras ang inilaan para mapagaralan namin ang lagay ng media sa panahon ng Batas Militar. Ngunit nang ako ay nag-aaral ng kasaysayan, pinasadahan lang ang mga kabutihang nagawa ni Ferdinand Marcos - dami ng imprastraktura, pagpapalawig ng artes at kultura, at ang disiplina ng Batas Militar. Maaaring sadyang hindi ako nakinig habang nagtuturo ang aking mga guro ng kasaysayan, ngunit tila wala akong maalalang sinabi nila ukol sa torture, summary killings, pagkawala, at ang legendary coup d'etat (o ang hindi pagkakatuloy nito) na naging dahilan para magkaroon ng People Power Revolution.

Ang kailangan ng kabataan ay magkaroon sila ng mga aklat ng kasaysayan na inaprubahan ng Department of Education (DepEd) na naglalaman ng LAHAT ng nangyari sa panahon ng Batas Militar, mabuti at masama, kasama ng iba pang mga aralin ukol sa kasaysayan ng Pilipinas. At dapat, kasama sa curriculum ang mga nangyari sa panahon ng Batas Militar, kagaya na lamang sa pag-aaral ng buhay at mga akda ni Jose Rizal. Ang magiging resulta nito ay mabubuksan ang mga isip ng kabataan ukol sa Batas Militar, at hindi nila nanaising mauilit ito muli.

Ang pangatlo, at huling may pagkukulang sa pagpapanatili ng kasaysayan ng Batas Militar ay ang media mismo. Napaka ironic na kung sino pang institusyon na siyang pinakabiktima ng Batas Militar ay siyang may maliit lamang na partisipasyon sa pagpapaalala sa nangyari sa panahon ng Batas Militar. Sasabihin ng media (lalo na ang TV), sa tuwing anibersaryo ng EDSA Revolution, nagpapalabas sila ng EDSA Revolution specials na idinu-dokumento ang nangyari sa panahon ng Batas Militar. Sa aking pananaw, hindi sapat iyon sa dalawang kadahilanan: ang mga specials na ipinapalabas nila ay umeere sa kanilang Sunday Specials o sa oras nang 10 o 11 nang gabi sa araw ng Linggo. Ang anibersaryo ng EDSA Revolution ay nagaganap sa buwan ng Pebrero, at sa mga panahong ito, may pasok ang mga mag-aaral kinabukasan. Hindi na tuloy kaila na hindi nila pinapapanood ang EDSA Revolution specials. Ikalawang dahilan, tila hindi sapat ang isa't kalahating oras para ipalabas at i-explain ang mga kaganapan sa panahon ng Batas Militar, at minsan pa nga, ang laman ng mga specials ay ang kaganapan ng EDSA Revolution at hindi mismo at Batas Militar.

Hindi lang naman dapat sa anibersaryo ng EDSA Revolution dapat may programa tungkol sa Batas Militar. Sa totoo lang, ang aking susunod na ideya ay hindi lamang para sa Batas Militar, ngunit para rin sa iba pang importanteng bahagi ng kasaysayan ng Pilpinas. Maaaring magkaroon ng soap opera hango sa mga naganap sa panahon ng Batas Militar. Bilang tuwang tuwa naman ang mga Pilipino sa love stories, maaaring ang kwento ay tungkol sa isang babae na napaibig sa isang lalaking tumutuligsa sa gobyerno at ang kanilang struggle na mapanatili ang kanilang pag-iibigan bagaman may panganib sa buhay ng lalaki. O di kaya ang buhay ng isang pamilya sa panahon ng Batas Militar. O hindi kaya ang pagsasalaysay ng buhay ng isang Ilocano sa panahon ng Batas Militar. Napakaraming anggulong pwedeng sundan sa panahon ng Batas Militar, gaya lang din na maaaring i-modernize ang Noli Me Tangere, kagaya ng ginawa sa Romeo + Juliet.

Siyempre, ang mga Pilipino ay hindi lang dapat umasa sa sektor ng edukasyon at sa media upang malaman ang mga nangyari sa panahon ng Batas Militar. Napakaraming mga aklat, peryodiko, at pelikulang isinasalaysay ang kaganapan sa panahon ng Batas Militar.

Bilang mga Pilipino, dapat lahat tayo ay mayoong kusa na malaman ang ating kasaysayan. Bago pa man nating alamin ang kasaysayan at kultura ng ibang lahi, dapat malaman muna natin kung saan nagsimula ang ating kasarinlan; dahil maaaring hindi natin alam ngayon ang KPop, si Taylor Swift, Adele, Madonna, at One Direction, at ang Avengers kung hindi dahil sa pagkakaalis ng Batas Militar sa Pilipinas.

Pakinggan at panoorin ang kantang isinulat ni Jim Paredes tungkol sa pagtamasa ng kalayaan at kung bakit dapat natin itong protektahan.